Kinumpirma ng Department of Justice - Philippines Undersecretary Nicholas Felix L. Ty ang matagumpay na pag-rescue sa anim na biktima ng human trafficking na nagtangkang ilabas sa bansa sa pamamagitan ng transportasyong pang-dagat.
“Patunay ito na napapaigting ng Bureau of Immigration ang pagbabantay sa mga paliparan kaya naghahanap ng ibang ruta ang mga traffickers para magpuslit ng mga biktima palabas ng bansa. Matagal na rin naming pinag-aaralan at binabantayan ang ruta sa Palawan at Zamboanga. Malaking bagay ang koordinasyon at pagtutulungan ng bawat unit ng pamahalaan at task forces upang mailigtas ang ating mga kababayan mula sa mas matinding kapahamakan,” saad ng Undersecretary in-charge ng IACAT.
Nakatakda sanang ipuslit noong 22 Enero 2025 ang anim na biktima ng human trafficking at illegal recruitment palabas ng bansa patungong Malaysia nang ma-rescue sa pinagsanib na operasyon ng Ninoy Aquino International Airport Task Force Against Trafficking (NAIATFAT) at Palawan and Puerto Princesa City Anti-Trafficking Task Force (PPATTF), mga task forces na itinatag sa ilalim ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT). Naging matagumpay ang nasabing operasyon dahil na rin sa mas pinaigting na kooperasyon kasama ang mga kasapi ng National Bureau of Investigation Puerto Princesa District Office (NBI-PUERDO) sa pamumuno ni Atty. Dean Gabriel, lokal na kapulisan, at mga opisyal ng barangay sa Bancalaan Island, Balabac, Palawan.
Nagsimula ang operasyon noong ika-15 ng Enero 2025 matapos makatanggap ang NAIATFAT ng intelligence tip mula sa Bureau of Immigration, Republic of the Philippines na may planong pagpuslit ng anim na biktima palabas ng bansa gamit ang rutang NAIA-Palawan-Zamboanga-Malaysia-Cambodia para magtrabaho sa isang Scam Hub.
Agad namang nagpulong ang NAIATFAT at NBI-International Airport Investigation Division (NBI-IAID) para manmanan ang mga biktima. Pagkatapos makumpirma ng IACAT intelligence agents ang kanilang pag-alis, nakipagugnayan ang NAIATFAT sa PPATTF at Zamboanga City Sea-based Anti-Trafficking Task Force.
Nang makarating ang mga biktima sa Palawan, patuloy na nakipag-ugnayan ang NAIATFAT sa Chief Operations Officer ng PPATTF na si Oriental Mindoro OIC-Provincial Prosecutor Robelito Rumpon na siyang namuno sa ginawang operasyon kasama ang Philippine National Police at NBI-PUERDO.
Sa inisyal na imbestigasyon ng NBI-PUERDO, napag-alamang inalok ang mga biktima gamit ang Telegram ng trabaho sa Thailand at pinangakuan ng mataas na sweldo. Mula Maynila, inutusan sila ng kanilang mga recruiter na sumakay ng eroplano patungong Palawan. Pagkarating ng Puerto Princesa, tumuloy muna sila sa isang hotel ng ilang araw at muling bumiyahe sakay sa isang van patungong Bataraza, Palawan upang ihatid sila sa bangkang magdadala sa kanila sa Bancalaan Island, Balabac. Bago pa man makalabas ng bansa patungong Malaysia, agarang naisalba ng mga awtoridad ang anim na biktima.
Kasalukuyang ipinagpapatuloy ang ginawang imbestigasyon ng NBI habang pinoproseso ang kaukulang tulong pinansyal para sa mga biktima. Alinsunod sa kanilang mandato, tutulungan din ng Department of Social Welfare and Development - DSWD ang mga biktima upang makabalik sa kani-kanilang mga tahanan.
Hinihimok ng IACAT ang publiko na manatiling maging mapagmatyag sa mga nag-aalok ng trabaho online at iulat sa 1343 Actionline ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kinalaman sa human trafficking.